NET25, kauna-unahang digital TV sa Pilipinas, naglunsad ng mga bagong palabas

Inilunsad kamakailan ng NET25, kauna-unahang digital broadcast television station sa Pilipinas, ang mga bagong proyekto at programa sa telebisyon, kasabay ng unveiling ng isang bagong logo na kumakatawan sa commitment ng mother network nito, ang Eagle Broadcasting Corportation (EBC), na mapagtagumpayan ang mga hamon ng pandaigdigang pandemya.

Tampok sa bagong logo ng NET25, ang pinakamalaking agila sa buong mundo kung ang pagbabatayan ay ang length at wing surface – ang Philippine Eagle – “isang likas na yamang sa Pilipinas lamang matatagpuan” at siya ring pambansang ibon ng bansa. Minsan ay tinatawag itong “king of birds” at “lord of the skies.”

Kumakatawan naman sa kulay na ginto ang higit limang dekada nang serbisyo ng EBC sa paghahatid ng mga balita, impormasyon at entertainment.

Sa kabila ng nararanasan ngayong pangdaigdig na pandemya, ang NET25 sa pamamagitan ng EBC ay naglunsad ng sumusunod na mga palabas sa telebisyon:

Happy Time

Ang Happy Time ay mapapanood mula Lunes hanggang Biyernes, tuwing alas doce hanggang alas dos ng hapon. Kasama ng mga host na sina Anjo Yllana, Kitkat, at Janno Gibbs, ang pinakabagong noontime show sa Pilipinas at ng NET25, ay hindi lamang maghahatid ng saya at sorpresa kundi maging ng pag-asa sa mga manonood ngayong mahirap ang panahon dahil sa pandemya.

UNLAD: Kaagapay Sa Hanapbuhay

Ang UNLAD: Kaagapay sa Hanapbuhay na ang host ay si Robin Padilla, ay tumatalakay sa agrikultura, pangkabuhayan at pagnenegosyo. Mapapanood tuwing Linggo sa ganap na ika-7:30 hanggang ika-8:00 ng gabi, at may replay tuwing Sabado ng alas-9:00 ng umaga.

Ang UNLAD ay isang programang nagbibigay ng kaalaman at inspirasyon na makatutulong sa paglikha ng trabaho bilang tugon sa suliranin ng kawalan ng pagkakakitaan at lumalalang kahirapan, hindi lamang sa Pilipinas kundi maging sa buong mundo. Ang proyektong ito ay nasa ilalim ng tangkilik ng UNLAD International Inc. Nagpapakita rin ito ng mga kwento ng pag-asa at tagumpay ng mga tao na nabago ang buhay dahil sa inisyatibang ito.

Kesayasaya!

Ang Kesayasaya!, ay isang musical sitcom na nagbibigay pugay sa mga Overseas Filipino Workers (OFWs). Mapapanood tuwing Linggo sa ganap na 6:30 ng gabi at may replay naman tuwing Sabado, alas-9:30 ng umaga.

Istorya ito ng OFWs at ng pamilyang pinoy na sinusubukang lampasan ang ibat ibang pagsubok na dala ng COVID-19 pandemic. Tumatalakay ito sa tipikal na pang araw-araw na problema gaya ng homesickness, long-distance relationships, kalungkutan, mga batang nawalay sa kanilang mga magulang na OFW, financial mismanagement at marami pang iba.

Pinagbibidahan ni Padilla, Vina Morales, Pilita Corales, Darius Razon, Eva Vivar, at Marcelito Pomoy. Kasama rin sina Cynthia Garcia, Zander Khan, Lon Mendoza, Efren Montes, Joel Trinidad,  Alvin Olalia, Diego Salvador (Idol Binoy) Jon Romano (Boyet De Leon), Gilbert Orcine (R. Requiestas), Ronnie German (Manny Pacute) Sherylene Castor (Jingkee P), at marami pang iba.

Tagisan Ng Galing Part 2

Ang Tagisan Ng Galing (TNG) ang pinakamalaking nationwide talent competition ng NET25. Mpapanood tuwing Sabado at Linggo, mula alas doce ng tanghali hanggang ala una ng hapon at may replay tuwing alas nueve ng gabi.

Tampok dito ang mga host na sina Ruru Madrid at Jon Lucas, habang ang mga hurado naman ay sina Imelda Papin, Marco Sison, Vina Morales, and Marcelito Pomoy para sa singing competition, habang sina Mia Pangyarihan, Wowie De Guzman, at Joy Cancio naman para sa dance edition.

Higit sa pitong milyong pisong ang nakalaang pa-premyo para sa magwawagi sa dalawang kategorya. Ang Tagisan ng Galing ay kapwa mayroong weekly, monthly at quarterly finals para sa singing at dancing editions.

Himig Ng Lahi (Season 3)

Ang Himig Ng Lahi, ay isang musical show na nagpo-promote ng original pilipino music (OPM), at nagbibigay pugay sa mahuhusay na Filipino composers at nagtatampok din sa magagaling na singers sa bansa.

Ang host nito ay sina Pilita Corrales at Darius Razon.

Binibigyang daan ng programang ito ang mga millenial na umugnay sa nakaraan, isa itong palabas para sa henerasyong nakasaksi sa mahuhusay na musikang Filipino noong dekada sisenta (60) hanggang noventa (90s). Mapapanood tuwing Linggo, mula alas once ng umaga hanggang alas doce ng tanghali, at may replay tuwing alas otso ng gabi.

Letters and Music

Isa pang musical program na mapapanood naman mula Lunes hanggang Biyernes, alas-8:00 hanggang alas-9:00 ng gabi ang Letters and Music kasama sina Apple Chiu, Nikki Facal, at RM Dizon. Isa itong award-winning musical show na nagpo-promote sa musika at talentong Filipino, mula sa pinakamagagaling na mga mang-aawit hanggang sa papausbong pa lamang na mga singer sa industriya.

Dahil hindi tumitigil sa paggawa ng mas nakakaengganyong libangan para sa madla, na nagnanais ng alternatibo at napapanahong mga palabas, kasalukuyang binubuo ng NET25 ang mga sumusunod na palabas:

Ang Daigdig Ko’y Ikaw

Ang Daigdig Ko’y Ikaw ang kauna-unahang romantic drama series ng NET25. Kwento ito ng tatlong dating magkakaibigan, na na-trap kasama ng kani-kanilang pamilya sa isang luma at maliit na bayan dahil sa ipinatupad na lockdown, kung saan muling nabuhay ang mga dating damdamin sa gitna ng mga isyung hindi naresolba noon.

Kinatatampukan ito nina Ynna Asistio at Geoff Eigenmann. Kasama rin ang powerhouse cast na kinabibilangan nina Elizabeth Oropesa, Tanya Gomez, Richard Quan, Adrian AJ Muhlach, Anna Mabasa-Muhlach, Arielle Roces, Jiro Custodio, Shiela Marie Rodriguez, Paulyn Ann Poon, Manolo Silayan, Myrna Tinio, at Jellex David, sa direksyon ng award-winning na si direk Eduardo Roy, Jr.

Ang premiere nito ay inaasahan sa November 14, 2020, at itinakdang mapanood tuwing Sabado, alas-8:00 hanggang alas-9:00 ng gabi, na may replay tuwing Linggo ng ala-5:30 ng hapon hanggang ala-6:30 ng gabi.

Relax Ka Lang

Higit pa sa impormasyon at kaaliwan, ang Relax Ka Lang ay isang palabas sa umaga ng NET25 na idinisenyo upang magbigay inspirasyon, magturo, mag-impluwensya at magpalakas sa kanilang mga manonood.

Katatampukan ito bilang host nina ang magkakaibigan sa tunay na buhay na sina Ara Mina, Jan Marini, at Melissa Ricks. Nakatakda itong ipalabas tuwing Lunes hanggang Biyernes, mula alas once ng umaga hanggang alas doce ng tanghali bago ang Happy Time.

Parak

Mula naman sa kwento ng kabayanihan hanggang sa emergencies at outreach programs, ang PARAK ay isang docudrama television program na maglalahad ng isang mas malalim na pagkaunawa sa mga nagpapatupad ng batas, at pagsusuri kung paano pinoprotektahan at tinutulungan ng departamento ng pulisya ang publiko, sa mga hindi inaasahang paraan.

Ang ibig sabihin ng PARAK, ay Police Action and Response: Ang Kasama mo!

Pangungunahan ito nina Victor Neri, Ara Mina, Antonio Aquitania, AJ Muhlach, Mico Aytona, Jethro Ramirez, Teresa Loyzaga, at marami pang iba. Ipalalabas ito tuwing Sabado ng ala-6:00 ng gabi simula sa November 21, at may replay tuwing Linggo, alas-11:00 ng gabi.

Juke Box King (The Life Story of Victor Wood)

Sa kabila ng malubhang epekto ng pandemya sa industriya ng pelikula, kinukunan na ng EBC ang pinakahuli nilang produksyon ng pelikula sa pamamagitan ng kanilang film arm, ang EBC films.

Sa direksyon ng award-winning director na si Carlo Cuevas, na siyang sumulat ng matagumpay na Guerrero 1 and 2, na umani ng ibat ibang parangal at pagkilala mula sa local at international award-giving bodies, ang The Juke Box King ay talambuhay ni Victor Wood, na isa sa mga alamat ng musikang pilipino.

Si Martin Escudero ang gaganap bilang Victor Wood sa pelikula. Ang The Juke Box King ay inaasahang magpapakilig sa mga manonood dahil dadalhin sila nito sa panahon ng dekada sitenta (70) at magagandang musika ng panahong iyon, kasama ang mga pighati at aral sa buhay ng lalaking namayani sa “airwaves” sa kaniyang panahon.

Ang EBC ang unang media company na sumubok sa ISDB-T system sa Pilipinas, na naglunsad sa NET25 bilang kauna-unahang all-digital TV station broadcast na naka-full HD.

Liza Flores

Please follow and like us: