Netflix susubukang maningil ng bayad para magbahagi ng accounts
Sinabi ng Netflix na sinusubukan nitong maningil ng bayad sa mga subscriber, na nagbabahagi o nagsi-share ng kanilang mga account sa mga taong hindi nakatira o hindi nila kasama sa bahay.
Matagal nang nagpapatupad ng isang “relaxed approach” ang US-based streaming service sa mga user na nagsi-share ng passwords sa miyembro ng pamilya o mga kaibigan, ngunit kamakailan ay bumaba ang kanilang stock sa quarterly results na nagpapakitang nabawasan ang kanilang subscriber growth.
Samantala, lumalakas naman ang kumpetisyon sa streaming television market partikular mula sa Disney+, na ang gastos sa produksiyon ng inaasahang original shows ay tumaas din.
Sinabi ni Chengyi Long, production innovation director ng Netflix, na sa susunod na mga linggo, ay sisimulan na ng Netflix na i-alok sa kanilang subscribers sa Chile, Costa Rica at Peru ang option na magdagdag ng kahit hanggang dalawang tao sa “sub-accounts” na sisingilin naman buwan-buwan ng $2-$3.
Ayon kay Long . . . “We recognize that people have many entertainment choices, so we want to ensure any new features are flexible and useful for members, whose subscriptions fund all our great TV and films. The Silicon Valley streaming titan has been working on ways for subscribers to share outside their household… while also paying a bit more.”
Sinabi ng Netflix na papayagan nila ang mga tao na nagsi-share na ng accounts, na ilipat ang profile at viewing history information sa bagong sub-accounts.
Dagdag pa ni Long . . . “The company will study the utility of the new model in the three countries before making changes anywhere else.”
Natapos ang 2021 na ang Netflix ay mayroon lamang 221.8 million subscribers, mababa ng kaunti kaysa kanilang target, makaraang mag-boom sa panahon ng coronavirus lockdowns nang ang mga tao ay nasa kani-kanila lamang mga tahanan at hindi nakalalabas.
Hindi rin gumanda ang sitwasyon sa unang quarter ng 2022, kung saan sa pinakabagong Netflix earnings report ay nakasaad na asahan na ng kompanya na 2.5 million subscribers lamang ang maaaring maragdag.
Ayon sa Netflix, karamihan sa 8.3 million subscriptions na naragdag sa pagtatapos ng 2021 ay nagmula sa labas ng North America.
Kamakailan ay inanunsyo ng Netflix ang mga pagtaas sa presyo ng subscription sa Estados Unidos, na ang basic option ay nagkakahalaga na ngayon ng $9.99, at ang pinakamahal ay aabot sa $19.99.