New Zealand prime minister Ardern, nagpositibo sa COVID-19
Nagpositibo sa Covid-19 si New Zealand Prime Minister Jacinda Ardern.
Sa anunsiyo ng tanggapan ng Prime Minister, moderate ang mga sintomas ni Ardern at pitong araw siyang sasailalim sa isolation.
Matatandaan na si Ardern na noong Linggo pa naka-isolate makaraang magpositibo sa Covid-19 ang kaniyang partner na si Clarke Gayford, ay nakatakda na sanang bumalik sa kaniyang parliamentary duties sa darating na Lunes.
Ipinatupad ng New Zealand ang isa sa pinakamahigpit na paraan sa mundo sa pamamahala sa paunang paglitaw ng Covid-19 noong 2020, at ang bilang ng mga namatay nito na 892 ay nananatiling kabilang sa pinakamababa sa mga bansa.
Gayunman, nakaranas ito ng Omicron surge simula nang luwagan ang mga restriksyon noong Marso, kung saan ang positive case ni Ardern ay kabilang sa higit 50,000 naitala sa nakalipas na linggo.
Ayon pa sa pahayag ng tanggapan, hindi apektado ang nakatakdang trade mission ni Ardern sa Estados Unidos.
Ang mga detalye ng kaniyang biyahe ay kukumpirmahin pa, bagama’t nakatakda siyang mag-deliver ng commencement address sa Harvard University sa May 26.
Hindi naman dadalo si Ardern sa parliyamento para sa dalawang high-profile domestic announcements – ang pagpapalabas sa emission reduction plan ng gobyerno at ang unveiling ng annual budget sa Huwebes.
Ayon kay Ardern . . . “This is a milestone week for the government and I’m gutted I can’t be there for it. Our emissions reduction plan sets the path to achieve our carbon zero goal and the budget addresses the long-term future and security of New Zealand’s health system. But as I said earlier this week, isolating with Covid-19 is a very Kiwi experience this year and my family is no different.”
Ibinahagi ni Ardern ang larawan ng kaniyang positive test sa Instagram.