NFA, bigo na matugunan ang kautusan ni Pangulong Duterte na mamili ng palay sa sarili nating mga magsasaka
Binatikos ni Senador Cynthia Villar, Chairman ng Senate Committee on Agriculture ang National Food Authority dahil sa hindi pagsunod sa mandato na bilhin ang palay ng mga magsasaka sa halagang 17 pesos.
Ayon kay Villar sa kanyang ginawang pag-iikot sa mga probinsya, mismong ang mga magsasaka ang nagrereklamo dahil ayaw bilhin ng NFA ang kanilang mga aning palay.
Katwiran aniya ng NFA, mataas umano ang moisture content ng palay kaya hindi nila binibili ang mga ito.
Dahil dito napipilitan sila na ibenta sa mga traders ang palay sa murang halaga pero mataas ang presyo ng bigas.
Sa imbestigasyon din aniya ng Senado, bigo ang NFA na matugunan ang utos ng Pangulo na mamili ng palay para sa buffer stock dahilan kaya walang mabiling murang bigas sa merkado.
Ulat ni Meanne Corvera