NFA, hinimok ng Senado na magtungo sa mga lalawigan para bilhin ang inaaning palay ng mga magsasaka
Hinihimok ni Senador Cynthia Villar ang National Food Authority o NFA na maging pro-active sa pagbili ng bigas sa mga lokal na magsasaka sa halip na mag-import sa ibang bansa.
Sinabi ni Villar, chairman ng Senate Committee on Agriculture na sa halip na tumambay sa kanilang opisina, dapat magtungo sa mga lalawigan ang mga tauhan ng NFA para bantayn ang mga anihan.
Sa ganitong paraan aniya mahihikayat ang mga magsasaka na magbenta sa gobyerno at hindi sa mga rice traders.
Sa kasalukuyan kasi aniyang sistema, sa mga rice traders nagbebenta ang mga magsasaka dahilan kaya nakokontrol at nagkakaroon ng kakulangan sa suplay at ugat rin umano ng pagtaas ng presyo ng bigas sa merkado.
Nauna nang sinermuna ni Villar sa pagdinig ng Senado kahapon ang mga opisyal ng NFA dahil hindi makapag-iimbak para sa requirements na 15 araw na buffer stock.
“Hindi talaga mabibili yang mga palay kung nakaupo sila (NFA) sa opisina nila at hinihintay mo silang dumating sa ‘yo, ang farmer hindi ganun kagaling magbenta. Walang pamasahe yan para pumunta sa inyo”.- Sen. Villar