Ngipin, Tukod ng Ulo
Hindi natin dapat na balewalain kung may bakante sa ating mga ngipin. Alam n’yo ba na kahit isang piraso lang ng ngipin ang mawala, dapat nagsusoot na tayo ng pustiso?
Nakakalungkot nga lang na marami sa atin ang kapag nabunutan ng ngipin ay pinababayaan o hinahayaan lang. Karaniwang maririnig mo, isang ngipin lang naman o dalawang ngipin lang naman dapat bang magpapustiso na? Gastos lang yan! Minsan hindi sa walang pera kundi dahil kulang sa kaalaman. ‘Yung iba palibhasa ay alam nila ang epekto sa kalusugan, kaya pinagsisikapan na mapag ipunan. Parang cellphone, palibhasa ay necessity kaya kailangang pag ipunan mo.
Bakit kailangang magsuot ng pustiso kapag nabunutan ng ngipin? Ang rason, gaya nga ng binanggit ko na noon pa, dahil sa ang ngipin ay tukod ng ulo, tukod ng buong katawan. Kapag nabawasan o nabunutan ng ngipin, kailangang tukuran agad. Kapag hindi tinukuran, nagbabago na ang kagat. Tandaan na hindi Lang ang halaman ang dapat tukuran, kahit ngipin natin.
Àlam n’yo kapag nagbunot ako ng ngipin, sinasabi ko agad sa pasyente ko na huwag hayaan bakante para hindi magbago ang bite o kagat. Kasi mawawala sa midline o pumapaling. Ang pwedeng gawin, bago pa bunutan ng ngipin ay susukatan na o gagawin ang immediate denture. After na mabunutan, isasalpak ‘yung pansamantalang pustiso o temporary denture.
Samantala, kailangang pahilumin ng tatlong buwan bago ikabit ang magiging fixed denture. May tatlong klase ang pustiso, ang removal denture o de-tanggal, fixed at implant na may kamahalan.
Ang pinakamahalaga ay matukuran kaagad ang nawala o nabunot na ngipin, hindi dapat na mapabayaan.
Maraming epekto sa kalusugan ng katawan kapag pinabayaan lang natin na hindi tinukuran o nagpagawa ng pustiso. Halimbawa na lang kapag nabunutan ng bagang sa kaliwang bahagi o kabilaan, magiging sakitin ang ulo. Kung hindi naman, ang leeg ay laging mapapagod.
May epekto din sa pandinig, maging sa “balance” ng isang tao.
Meron lang tayong paalala sa mga nakapustiso, bantayan po natin ang ating oral hygiene. May ginagamit na denture brush at hindi na ito ginagamitan ng toothpaste. Ang pustiso ay mas mabuting ibabad sa tubig na may asin. Hindi iodize kundi sea salt o rock salt. Sa pamamagitan nito magiging malinis at walang amoy, natural ang pamamaraan at hindi mahal. Kaysa gumamit pa ng kung anu-anong kemikal na may kamahalan. Sa mga naka implant o naka bridge ang ngipin, ugaliing magmumog ng mabuti para kumalog ang dumi sa ilalim, at hindi basta nagsesepilyo lang ng ngipin.