NIA Administrator Ricardo Visaya, handang harapin ang anumang imbestigasyon sa pagpapakawala ng tubig sa magat dam na nagpalubog sa Isabela at Cagayan
Tiniyak ng pamunuan ng National Irrigation Administration o NIA na nakahanda silang harapin ang anumang imbestigasyon kaugnay nang pagpapakawala ng tubig sa Magat Dam na sinasabing dahilan ng malawakang pagbaha sa Ialawigan ng Isabela at Cagayan noong manalasa ang bagyong Ulysses.
Sa Laging handa public press briefing sinabi ni NIA Administrator Ricardo Visaya na magandang oportunidad ang isasagawang imbestigasyon upang mareview ang protocol sa pagpapakawala ng tubig sa dam.
Ayon kay Visaya sinunod ng NIA ang umiiral na protocol na nuon pang 2006 nabuo.
Inihayag ni Visaya na iprepresinta ng reservoir dam division ng Magat ang documentation na kanilang isinagawa nuong kasagsagan nang pananalasa ng bagyong Ulysses na humantong sa pagpapakawala ng tubig ng Dam.
Sa ngayon ay nasa 191.93 meters ang antas ng tubig sa Magat dam na mababa sa 193 meters na spilling level nito.
Isang gate pa ng dam ang nakabukas na nagpapakawala ng 646 cubic meter per second na tubig.
Iginiit ni Visaya na mas malala ang posibleng mangyari kung hindi nagpakawala ng tubig sa Magat Dam.
Vic Somintac