Nilagdaang Paris Agreement dadaan pa sa mahabang proseso –Sen. Legarda
Personal na inihatid ni Deputy Executive Secretary Atty. Meynard Guevarra ang Paris Agreement on Climate Change sa tanggapan ni Senadora Loren Legarda para sa ratipikasyon ng Senado.
Ayon kay Legarda na pangunahing author ng Climate Change Law, dadaan pa sa proseso ang kasunduan bago ito tuluyang maratipikahan ng Senado.
Ang Foreign Relations na pinamumunuan ni Senador Alan Peter Cayetano ang magsasagawa ng public hearing hinggil dito bago isumite sa plenaryo na pagbobotohan ng mga miyembro.
Mangangailangan ng two thirds o labing-anim na boto ang kasunduan bago tuluyang makalusot sa Senado.
Giit ni Legarda, malaki aniya ang magiging pakinabang ng Pilipinas na isa sa mga itinuturing na pinaka mapanganib sa kalamidad dahil sa mahigit dalawampung bagyong tumatama taon-taon bukod pa sa nararanasang tagtuyot at lindol.
Kabilang na rito ang access ng Pilipinas sa Green Climate fund na tinatayang aabot sa $100B sa 2020.
Target ng Senado na maratipikahan ang Paris Agreement bago ang pagdiriwang ng earth day sa April 25 o bago mag adjourn ang kongreso sa kalagitnaan ng Mayo.
Ulat ni: Mean Corvera