NKTI , punong puno na ng mga Leptospirosis patients
Dahil dagsa na ng mga pasyente ng Leptospirosis ang National Kidney and Transplant Institute o NKTI, ikinonvert munang Leptospirosis ward ang gymnasium ng pagamutan upang ma-accomodate ang mga maysakit.
Dumami ang mga pasyente na tinamaan ng Leptospirosis, ilang linggo matapos ang pananalasa ng bagyong Carina at Habagat.
Sa kasalukuyan ay aabot na sa apatnapu’t walo ang leptospirosis patients na naka-confine sa NKTI at nasa sampung pasyente pa umano ang naghihintay sa emergency room na hindi pa ma-admit sa pagamutan dahil sa kakulangan ng medical staff.
Inilipat na rin ang ilang nurse at nursing aides galing sa iba’t-ibang wards upang matutukan ang mga pasyente ng leptospirosis na dinala sa gymnasium.
Maliban pa ito sa nirequest na karagdagang nurses at mga doktor mula sa Department of Health upang mapunan ang kakulangan sa staff.
Ayon kay Dr. Romina Danguilan, NKTI Executive Director for Medical Services, nakitaan ng lung abnormalities, lung hemorrhage at acute pancreatitis maging ng liver abnormalities ang ilang pasyente na may severe leptospirosis.
Pito na ang namatay sa NKTI dahil sa leptospirosis.
Samantala, sa datos ng DOH, mula July 14 hanggang July 27, 2024, nasa 67 Leptospirosis cases na ang naitala sa buong bansa.
Maaari pa umanong tumaas ito dahil sa 2-week incubation period.
Payo ng DOH sa publiko na hindi maiiwasang lumusong sa baha ay magpatingin na agad sa pinakamalapit na health center at uminom ng prophylaxis.