” No cellphone policy ” ipinatutupad sa lahat ng kulungan ng BuCor
Ipinag-utos ni Bureau of Corrections (BuCor) Director General Gregorio Catapang Jr. ang pagbabawal ng cellphone sa lahat ng mga opisyal, kawani, bisita at iba pang indibiduwal na pumapasok sa mga tanggapan at mga kulungan ng kawanihan.
Sa memorandum na inisyu ni Catapang, sinabi na walang exception at sakop ng ” no cellphone policy ” ang lahat ng commissioned officers, non commissioned officers, civilian personnel, mga bisita at iba pang mga tao na pumapasok sa National Headquarters ng BuCor Offices, mga kampo sa New Bilibid Prison (NBP), at lahat ng prison at penal farms.
Ang kautusan ay bahagi ng pinaigting na security protocols sa lahat ng piitan ng BuCor.
Inatasan din ni Catapang ang lahat ng superintendents sa mga kolonya na pag-ibayuhin pa ang security screenings at inspections sa lahat ng entry at exit points ng penal farms para maiwasan ang pagpuslit ng cellphones.
Pinasisiyasat din nang regular ang prison dormitories at work areas ng mga tauhan para sa mga ipinagbabawal na devices.
Agad na kukumpiskahin ang makikitang cellphones o gadgets at papatawan ng mga administratibo at kriminal na pananagutan ang mga tauhan na napatunayan na nagpalusot ng mga ito.
Kaugnay nito, iniutos ni Catapang ang agad na pagbili ng two-way radios bilang alternatibong paraan ng komunikasyon sa mga kulungan.
Moira Encina-Cruz