“No Contact Apprehension Policy “ sa mga motorista ng LGUs at MMDA, pinaiimbestigahan sa Kamara
Bagama’t maituturing na maganda ang layunin ng pagpapatupad ng mga Local Goverment Units ( LGUs) at Metropolitan Manila Development Authority (MMDA ) ng “No Contact Apprehension Policy “ (NCAP) sa mga pasaway na motorista, nais ni Surigao del Norte Representative Robert Ace Barbers na imbestigahan ng Mababang Kapulungan ng Kongreso ang naturang patakaran.
Sinabi ni Congressman Barbers, maraming reklamo ang mga motorista lalo na ang mga motorcycle riding delivery na pinagmumulta ng mahal sa NCAP nang walang due process kaya siya nagsagawa ng privilege speech sa plenaryo ng Mababang Kapulungan ng Kongreso.
Ayon sa mambabatas, walang batas na nagsasabing bawal irehistro ang motor vehicle dahil sa hindi pagbabayad ng may-ari ng multa mula sa isang traffic violation.
Inihayag ni Barbers na isa sa parusang ipinapataw ng NCAP ay hindi ire-rehistro ng Land Transportation Office (LTO) ang sasakyan kung hindi nabayaran ng owner ang multa.
Sa panig naman ni Congressman Joey Salceda, sinabi niya na ang kailangan ay manghimasok ang National Government para protektahan ang karapatan ng mga motorista sa mga ipinatutupad na traffic regulations.
Ayon kay Salceda, sa ilalim ng Bill of Rights na nakapaloob sa 1987 Constitution, nakapagpatibay na ang Kongreso ng Consumer Rights Law kaya maghahain siya ng panukalang batas upang magkaroon ng Motorist Rights Law.
Kaugnay nito, umapela si LTO Chief Assistant Secretary Teofilo Guadiz sa mga LGUs at MMDA na magkaroon ng meeting para maplantsa ang problema sa Implementing Rules and Regulations ( IRR ) ng NCAP.
Inihayag ni Guadiz na dapat ang pananagutin sa multa sa NCAP violations ay ang mismong driver at hindi ang mga operator lalo na sa kaso ng mga pampublikong sasakyan.
Niliwanag ni Guadiz na maraming mga sasakyan lalo na ang mga second hand na hindi pa naipapangalan sa bagong may-ari kundi ang dati pang owner ang nakapangalan sa Certificate of Registration sa LTO kaya marami ang nagrereklamo sa pagpapatupad ng NCAP.
Tiniyak ni Guadiz na handa ang LTO na tulungan ang LGUs at MMDA sa pagpapatupad ng NCAP upang madisiplina ang mga pasaway na driver subali’t kailangang ayusin at linawin ang IRR.
Vic Somintac