No Garage, No Registration bill, inihain sa Kamara
Isinusulong sa Mababang Kapulungan ng Kongreso ang House Bill 31 o ang panukalang batas na No Garage, No Registration sa ilang tukoy na metropolitan areas sa bansa.
Ayon kay Marinduque Congressman Lord Allan Velasco may-akda ng panukalang batas dapat ay mayroon munang sariling parking space o garahe ang sinumang bibili ng sasakyan bago makakuha rehistro sa Land Transportation Office o LTO.
Sinabi ni Velasco na masyadong malala na ang traffic congestion o pagsisikip ng trapiko sa labing dalawang metropolitan areas na tinukoy ng National Economic and Development Authority o NEDA.
Kabilang sa mga may matinding problema sa trapiko ang Metro Manila, Angeles, Cebu, Bacolod, Baguio, Batangas, Cagayan de Oro, Dagupan, Davao, Iloilo, Naga, at Olongapo.
Inihayag ni Velasco panahon nang gawing requirement ang pagkakaroon muna ng parking space o garahe bago bumili ng sasakyan at maiparehistro.
Kapag naging ganap na batas, ang LTO ang magbi-verify kung ang mga nag-aapply ng registration ng sasakyan ay nakatugon sa requirements.
Sakaling ang may-ari ng sasakyan ay illegal na nakakuha ng rehistro kahit walang garahe, babawiin ang kanyang registration na may kaakibat na multang 50,000 piso at at hindi makapagpaparehistro ng anumang sasakyan sa LTO sa loob ng 3 taon.
Dahil sa kawalan ng batas karaniwang ginagawang parking ng mga may-ari ng sasakyan ang kalsada na nagdudulot ng ibayong pagsisikip ng trapiko.
Vic Somintac