No Touch No Contact policy, ipinapairal ng Bureau of Immigration para sa mga hindi nakaduty na Immigration officers
Mahigpit na ipinatutupad ng Bureau of Immigration ang “no touch, no contact” policy sa mga dayuhang bumibisita sa bansa.
Sinabi ni OIC Deputy Commissioner Marc Red Marinas na hepe rin ng BI port operations division, bawal sa mga kawani ng BI na magkaroon ng physical contact o mag-verify ng travel documents ng mga dayuhan nang hindi naka-duty o nasa labas ng international port kung saan sila nakatalaga.
Mahaharap sa kasong administratibo ang mga lalabag sa kautusan.
Kaugnay nito binalaan rin ni Immigration Commissioner Jaime Morente ang mga tauhan nila laban sa mga hindi otorisadong operasyon at imbestigasyon sa mga dayuhang nasa Pilipinas.
Ang mga empleyado lang aniya na may mission order mula sa BI Commissioner ang maaring mag-imbestiga at magsagawa ng verification sa immigration status ng mga banyagang hinihinalang lumalabag sa immigration laws ng Pilipinas.
Ang mga hinihinalang illegal aliens ay dapat anyang iulat sa alien control officer ng pinakamalapit na BI field office o sa intelligence division ng BI para sa maisailalim sa imbestigasyon at case buildup.
Ulat ni Moira Encina