North American tour, kinansela ni Celine Dion dahil sa problemang pangkalusugan
Inanunsiyo ng Quebec superstar na si Celine Dion, na hindi siya makakapag-perform sa kaniyang “Courage world tour” sa North America dahil sa tuloy-tuloy na problemang pangkalusugan.
Ayon sa singer . . . “I was really hoping that I’d be good to go by now, but I suppose I just have to be more patient.”
Matapos tumigil bunga ng pandemya, si Dion ay naka-schedule na i-resume ang kaniyang world tour noong November 2021 na kinabibilangan ng mga performances sa Las Vegas.
Ang mga petsang nabanggit ay kinansela noong Oktubre 2021 makaraang makaranas ang singer ng “severe and persistent muscle spams.”
Umasa si Dion na matuloy ang kaniyang tour sa Marso, na magsisimula sa Denver at sa 15 iba pang mga siyudad sa Estados Unidos at Canada sa loob ng dalawang buwan.
Ang mga nabanggit na petsa ay kinansela na rin dahil ang kaniyang “recovery” ay mas matagal kaysa inaasahan, ayon sa statement ng management ni Dion.
Nakasaad pa sa statement, na si Dion ay nakapag-perform ng 52 shows bilang bahagi ng kaniyang Courage World Tour bago nagsimula ang pandemya, at plano pa niyang mag-perform sa European leg ng kaniyang tour simula sa May 25 sa Birmingham, England.
Pinasalamatan naman nito ang kaniyang fans sa pagsasabing . . . “I’ll be so glad to get back to full health, as well as all of us getting past this pandemic. I feel your love and support and it means the world to me.”