North Carolina naglunsad ng malawakang search and rescue operation kaugnay ng pananalasa ng Tropical Storm Helene
Nagpadala na ang mga kinauukulan ng emergency food at tubig sa mga liblib na bayan sa North Carolina na pininsala ng tropical storm Helene, makaraang maging parang isang “post apocalyptic” ang western part ng estado.
Si Helene ay isang hurricane nang tumama sa baybayin ng Florida Gulf noong Huwebes, na nagdala nang pagkawasak sa mga estado sa timog-silangan, kung saan maraming mga kalsada ang nasira, mga bahay na bumaligtad at naputol na mga linya ng komunikasyon. Kasunod nito ay maraming tao ang nawala at karamihan sa mga ito ay pinangangambahang patay na.
Ang bagyo ay pumatay ng mahigit sa isangdaang katao sa North Carolina, South Carolina, Georgia, Florida, Tennessee at Virginia. Ang bilang ay inaasahang tataas pa sa sandaling maabot na ng rescue teams ang liblib na mga bayan at magbalik operasyon na ang emergency telecommunications line.
Sa buong North Carolina, nasa 300 kalsada ang isinara, mahigit 7,000 katao ang itinala para sa U.S. Federal Emergency Management Agency (FEMA) assistance, at ang National Guard ay nagdala ng isanglibong tonelada ng mga pagkain at tubig sa liblib na mga lugar sa pamamagitan ng eroplano at helicopter.
Kabilang sa nagibang mga bayan ay ang maliit na bayan ng Bat Cave, may 100 milya (160 km) hilaga ng Charlotte, kung saan ang Broad River ay tumaas sa lebel na hindi pa nangyari noon, at tumangay ng mga bahay at sumira sa tulay ng bayan.
Nagtangkang lumapag ang mga pribadong helicopter sa Bat Cave upang ilikas ang mga tao, ngunit itinaboy sila ng mga residente doon palayo sa tulay na tila guguho na. Dahil dito ay pinintahan ng mga bumbero ang tulay ng mga salitang “Don’t land.”
Ang Bat Cave ay nasa itaas lamang ng nayon ng Chimney Rock, na malawakan ding winasak ng pader ng tubig na umagos pababa mula sa Broad River, ayon sa mga emergency responder.
Ang ilog ay dumadaloy sa Lake Lure, na napuno na ng mga piraso ng nagibang mga bahay, mga puno at iba pang debris.
Sa kaniyang post sa X na nagpapakita ng pinsala ng bagyo sa Lake Lure, sinabi ni Charlotte City Councilman Tariq Bokhari, “It is post-apocalyptic. It’s so overwhelming. You don’t even know how to fathom what recovery looks like, let alone where to start.”
Ayon naman sa website na Poweroutage.us, 1.8 milyong mga bahay at negosyo ang wala pa ring suplay ng kuryente hanggang nitong Lunes.
A drone view shows a helicopter flying and damage to a builiding, following the passing of Hurricane Helene, by Bat Cave, North Carolina, U.S., September 30, 2024. REUTERS/Marco Bello
Nagsimula naman nang magsagawa ng malawakang recovery effort ang U.S. government, mga estado at mga lokalidad sa buong timog-silangan.
Sa ulat ni Georgia Governor Brian Kemp, hindi bababa sa 25 katao ang namatay sa kaniyang estado, kabilang ang isang bumbero na rumeresponde sa emergency calls habang nananalasa ang bagyo at isang ina kasama ang isang buwang gulang niyang anak na namatay nang mabagsakan ng puno. Ang South Carolina naman ay nag-ulat ng hindi bababa sa 29 na namatay.
Banggit ang mga state at local officials, iniulat ng CNN na 128 ang namatay, kabilang ang 56 sa North Carolina.
Sa isang news briefing, sinabi ng county manager ng North Carolina na 40 katao ang namatay sa mabundok na Buncombe County, kung saan naroroon ang tourist destination ng Asheville.
Pagkatapos namang magsagawa ng isang aerial tour upang alamin ang lawak ng pinsala, ay sinabi ni North Carolina Governor Roy Cooper, “Significant resources would be needed in the short and long term.”
Sa news briefing sinabi ni Cooper, “The devastation was beyond belief, and even when you prepare for something like this, this is something that’s never happened before in western North Carolina. Search and rescue teams are continuing to work.”
Samantala, nasa 1,200 federal personnel ang nasa ground bilang karagdagan sa state at local responders, habang plano naman ng U.S. Army Corps of Engineers na magsagawa ng major debris removal.
May 3,000 federal personnel din na nakadeploy sa buong rehiyon, ayon kay FEMA Administrator Deanne Criswell.
Sinabi naman ni President Joe Biden, na bibisita siya sa North Carolina bukas, Miyerkoles at sa Georgia at Florida pagkatapos. Maaaring humiling din siya sa Kongreso na magsagawa ng espesyal na sesyon upang magpasa ng supplemental aid funding.
Ayon sa Pangulo, “There’s nothing like wondering, ‘is my husband, wife, son, daughter, mother, father alive? Many more will remain without electricity, water, food and communications, and whose homes and businesses are washed away in an instant. I want them to know we’re not leaving until the job is done.”