North Cotabato, patuloy na nakakaranas ng mga aftershocks, assesment sa mga gusali at pasilidad, nagpapatuloy
Patuloy ang assessment at monitoring ng lokal na pamahalaan ng North Cotabato sa mga pasilidad sa mga munisipalidad sa lalawigan matapos ang nangyaring 6.3 magnitude na lindol at nagpapatuloy na aftershocks sa lalawigan.
Ayon kay North Cotabato Vice-Governor Emmylou “Lala” Taliño Mendoza, bandang alas-10:30 kaninang umaga nang makaramdaman sila muli ng aftershocks sa bayan ng Magpet ganundin sa Kidapawan area partikular sa Municipal complex at alas-10:56 naman sa bayan ng Tulunan.
Dalawa ang naitalang patay sa lalawigan, ang isa ay mula sa bayan ng M’lang na inatake sa puso habang lumilindol at isang 7-anyos na bata mula naman sa Maguindanao.
Kinansela na ang pasok sa paaralan sa 14 munisipyo at isang syudad sa lalawigan upang masiyasat mabuti kung may mga pinsala sa mga gusali at pasilidad ng mga paaralan at mga sangguniang bayan.
Nagsasagawa na rin aniya ang clearing operations sa mga landslide areas sa Makilala at Tulunan area.
Hindi naman kailangang magdeklara ng State of Calamity dahil sapat pa naman ang pondo ng lokal na pamahalaan.
“Yung aftershocks ay tuluy-tuloy pa rin, nararamdaman pa rin. Walang pasok ang capitol dahil mayroon ding kailangang i-check sa dingding at ang Engineers at Disaster team are now validating”.