Norwegian na wanted sa pagpatay sa sariling kapatid arestado ng Bureau of Immigration
Nakatakdang ipadeport ng Bureau of Immigration ang isang puganteng Norwegian na wanted sa Oslo dahil sa pagpatay sa sariling kapatid.
Ayon kay Bi Commissioner Jaime Morente, naaresto ng mga tauhan ng Fugitive Search Unit si Helge Stensland, 52 anyos, sa tahanan nito sa Sta Cruz, Laguna.
Wanted ang dayuhan sa pagpaslang sa kapatid na si Audun na sinasabing pinagsasaksak nito sa bahay nito sa Hellvik, Norway noong October 16, 2016.
Sinabi ni Morente na nagtungo sa Pilipinas si Stensland noong nakaraang Abril tatlong buwan matapos siyang hatulan ng Norwegian court ng pitong taon na pagkakakulong dahil sa kasong homicide.
Pinagbabayad din si Stensland ng mga otoridad sa Norway ng 1.7 million norwegian Krones sa byuda at apat na anak ng biktima bilang danyos.
Nabatid ng BI na madalas pumupunta sa Pilipinas ang banyaga sa nakalipas na dalawang dekada dahil nakapagasawa ito ng Pinay kung saan may dalawa siyang anak.
Ulat ni Moira Encina