Notorious drug suspect sa Albay, patay sa police operation; 6.8 milyong halaga ng shabu, nakumpiska
Patay sa isinagawang anti-drug operation ng mga pulis ang isang notorious drug suspect sa Camalig, Albay.
Kinilala ni Philippine National Police (PNP) chief Police General Guillermo Eleazar ang suspect na si Antonio Tupas na isang high-value target at kumukubra umano ng droga mula sa isang nagngangalang Malik na nakadetine sa New Bilibid Prisons.
Sa ulat na ipinarating ni Police Regional Office 5 Head, Police Brig. Gen. Jonnel Estomo, nahuli si Tupas matapos bentahan ng shabu ang isang indercover police sa Barangay Quiringay.
Nagpaputok ito ng baril sa isang pulis nang makatunog na mga otoridad ang kaniyang ka-transaksyon.
Gumanti ng putok ng baril ang mga pulis na siyang ikinamatay naman ni Tupas habang ginagamot na sa isang medical facility ang pulis na nasugatan.
Narekober kay Tupas ang isang kilo ng shabu na nagkakahalaga ng 6.8 milyong piso.
Samantala, pinaiimbestigahan na ni Eleazar kung paanong nakakapag-transaksyon ang isang nakadetine sa mga nasa labas.
Nakikipag-ugnayan na aniya sila sa Bureau of Corrections at Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) kaugnay sa sinasabing ka-transaksyon ni Tupas sa Bilibid.
Tinitingnan din ng pulisya kung may kasabwat na mga jail personnel ang suspect kaya nakalulusot ang mga iligal na gawain.