NPC: Consent ng mga vaccinee, kailangan sa vaccine promos at rewards ng mga kompanya
Pinaalalahanan ng National Privacy Commission (NPC) ang mga kompanya na namimigay ng vaccine rewards na kunin muna ang informed consent ng mga vaccinee bago gamitin ang mga personal na impormasyon nito sa kanilang COVID-19 vaccination cards.
Nag-isyu ng bulletin ang NPC kasunod ng mga ulat ng koleksyon ng mga kopya ng COVID-19 vaccination cards ng ilang kompanya bilang reward sa mga bakunadong indibiduwal.
Ayon kay Privacy Commissioner Raymund Liboro, naglalaman ang vaccination cards ng mga sensitibong personal information gaya ng edad, kaarawan, at lagay ng kalusugan ng vaccinees.
Sinabi ng opisyal na para maging valid ang consent ay dapat na explicit ang pagpabor ng vaccinee sa pagkolekta at pagproseso ng kanyang vaccine card.
Dapat aniya ay may privacy notice para sapat na maipabatid sa vaccinees na nais makapag-avail ng promos o diskuwento ang detalye ng pagproseso sa kanilang datos at ang kanilang mga karapatan.
Inihayag pa ni Liboro na limitado lang dapat ang paggamit ng vaccine cards sa pamimigay ng rewards.
Paalala pa ng opisyal, hindi dapat isapubliko ang vaccine cards at dapat itong mai-dispose sa secure na paraan.
Moira Encina