NPC: Data Privacy law, hindi maaaring gamitin para takasan ang legal proceedings
Muling iniulit ng National Privacy Commission (NPC) na hindi puwedeng idahilan ang Data Privacy Act para hindi tumugon sa subpoenas ng mga investigating bodies ng pamahalaan.
Ang pahayag ay inilabas ni Privacy Commissioner Raymund Liboro makaraang ipa-contempt ng Senate Blue Ribbon Committee ang ilang opisyal ng Pharmally Pharmaceuticals dahil sa pagtangging isumite ang mga dokumentong ipina-subpoena ng komite.
Ayon kay Liboro, hindi maaaring gamiting excuse ang karapatan sa data privacy para matakasan ang legal proceedings.
Aniya hindi ipinagbabawal sa nasabing batas ang paglalabas ng personal o sensitibong impormasyon lalo na kung ito ay para sa pagtugon sa mga valid subpoenas ng mga opisyal ng gobyerno.
Sinabi pa ng opisyal na maaari rin na iproseso ang mga sensitive personal information alinsunod sa mga umiiral na batas at regulasyon o kung kinakailangan para sa ligal na rason.
Moira Encina