NSA Sec. Año: Hindi papayag ang gobyerno na mawala ang Ayungin Shoal
Kinilala ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang katapangan na ipinamalas ng mga tauhan ng Philippine Navy at Philippine Coast Guard laban sa panibago na namang pangha-harass ng puwersa ng China sa West Philippine Sea.
Ito’y matapos ang muling matagumpay na resupply mission sa BRP Sierra Madre sa Ayungin Shoal.
Ayon kay National Security Adviser Secretary Eduardo Año, masaya ang Pangulo na hindi nagpasindak ang mga sundalo at coast guard sa kabila ng water cannon attack na ginawa ng Chinese coast guard.
Sinabi ng opisyal na utos ng Pangulo na hindi dapat maagaw ang Ayungin Shoal gaya na ginawa ng Chinese coast guard sa Mischief reef malapit sa Palawan at bahagi ng Exclusive Economic Zone ng Pilipinas.
Ayaw magbigay ng detalye ni Año kung may ginagawang improvement sa BRP Sierra Madre dahil sa banta sa seguridad pero hindi aniya papayag ang gobyerno na maagaw ang Ayungin Shoal.
Bukod sa pagkain at personal na pangangailangan, gusto aniya ni PBBM na magkaroon ng magandang living condition ang mga nakatira sa BRP Sierra Madre.
Ipinag-utos na rin aniya ng pangulo na magsagawa ng iba’t -ibang konsepto para mapadali ang resupply mission sa mga sundalo sa Ayungin shoal.
Ayaw kumpirmahin ni Año pero kasama sa huling resupply mission noong nakaraang linggo ang isa sa pinakamalaking barko ng PCG na BRP Melchor Aquino.
Meanne Corvera