NTC at Globe iniimbestigahan ang umano’y hacking sa CP number ni ex-MMDA Chair Benhur Abalos
Nagsasagawa na ng imbestigasyon ang Globe Telecom at National Telecommunications Commission (NTC) kaugnay sa napaulat na insidente ng hacking sa Globe number ni dating Metro Manila Development Authority Chairperson Benhur Abalos.
Sa kaniyang Facebook post, sinabi ni Abalos, national campaign manager ni presidential frontrunner Bongbong Marcos, na na-hack ang kaniyang numero at nagpapadala ito ng mga mensahe sa mga nasa contacts niya.
Sa imbestigasyon at ginawang validation ng Globe, wala umanong ipinadalang “unscrupulous messages” galing sa numero ni Abalos.
Posibleng nabiktima umano ito ng illegal broadcaster devices na bawal sa ilalim ng “The Radio Control Law” ng NTC.
Sang-ayon naman ang NTC na maaring ang nangyari ay insidente ng “SMS spoofing”.
Ayon sa Kaspersky, cybersecurity solutions provider, ang mga scammer na gumagamit ng “phone number spoofing” ay pinapaniwala ang isang indbiduwal na siya ay tumanggap ng mensahe o tawag mula sa isang partikular na numero.
Nagbabalala naman si NTC Commissioner Gamaliel Cordoba sa mga nasa likod ng illegal broadcaster devices na maari silang maharap sa kasong kriminal at civil penalties.
Madelyn Moratillo