NTC at OSG hiniling sa CA na baligtarin ang ruling sa prangkisa ng Newsnet
Naghain ng motion for reconsideration ang National Telecommunications Commission (NTC) sa Court of Appeals (CA) laban sa desisyon nito na pumapabor sa petisyon ng News and Entertainment Network Corporation (Newsnet).
Ang apela ay inihain ng NTC sa pamamagitan ng Office of the Solicitor General (OSG).
Sa nasabing ruling ng CA noong Hulyo, kinatigan ang petisyon ng Newsnet na atasan ang NTC na sundin ang Declaration of Completeness and Order of Automatic Approval ng Anti-Red Tape Authority (ARTA) pabor sa kumpanya.
Pero sa apela ng NTC at OSG, sinabi na hindi na umiiral o non- existent na ang utos ng ARTA noong Pebrero 2020 dahil binawi na ito ng bagong ARTA order noong Hunyo 2022.
Una nang nag-isyu ng resolusyon ang Department of Justice (DOJ) kung saan sinasabing ang ARTA ay walang otoridad na magpalabas ng Declaration of Completeness at hindi rin nito maaring atasan ang NTC na mag-isyu ng Certificate of Public Convenience (CPC).
Ayon sa OSG, ang nasabing DOJ resolution ay naging final and executory na batay sa deklarasyon ng Office of the President (OP).
Ipinunto pa ng OSG at NTC na napaso na noong Agosto 9, 2021 ang prangkisa ng Newsnet.
Anila, ang kabiguan na ma-renew ang prangkisa ng Newsnet ay nangangahulugang walang bisa na rin ang permits at mga lisensiya nito.
Ibig sabihin din anila nito ay hindi na rin maaaring pagtibayin ng NTC ang aplikasyon nito para sa CPC at sa paggamit ng frequencies.
Moira Encina