NTC ginawaran ng 2021 FOI Champion award
Ginawaran ng Freedom of Information Champion Award ang National Telecommunications Commission sa katatapos na 2021 FOI Awarding Ceremony.
Ang aktibidad ay sa pangunguna ng Presidential Communications Operations Office sa pamamagitan ng Freedom of Information – Project Management Office.
Dinaig ng NTC ang pitong ahensya na nominado rin sa FOI Champion category mula sa National Government Agencies na nasa eFOI portal.
Sa tatlong magkakasunod na taon, kinilala ang NTC bilang consistent Top Performing Agency sa FOI Program Implementation.
Binigyan rin muli ng Plaque of Appreciation ang NTC bilang isa sa Top Requested and Performing Agencies na may 1000 above requests at mayroong 90% closed transactions sa eFOI portal.
Ilan sa NTC FOI Officer na kinilala ay si Divina Daquioag na tumanggap ng Special Citation Award, FOI Program Director’s Award at Grace Under Pressure Award sa pagiging isa sa pitong Best FOI Officers mula sa 4,322 FOI Officers na itinalaga sa iba’t ibang ahensya ng pamahalaan.
Pinasalamatan naman ni NTC Commissioner Gamaliel Cordoba ang mga opisyal ng ahensya sa buong bansa sa pagsunod sa isinusulong na programa ng FOI.
Tiniyak rin nito ang patuloy na suporta ng NTC sa pagpasa sa FOI Bill na kasalukuyang nakabinbin sa Kongreso.
Madelyn Moratillo