NTC, inatasan ang mga telco na tiyakin ang kahandaan sa mga lugar na naapektuhan ng bagyong Maymay
Bagamat isa na lang Low Pressure Area si Bagyong Maymay, nagdulot naman ito ng mga pagbaha sa ilang mga lugar sa Luzon partikular sa Cagayan Valley.
,
Kabilang sa mga nakaranas ng malakas na pag-ulan ay sa Cagayan, Isabela, Apayao, Kalinga, Mountain Province at Ifugao.
Kaya naman ang National Telecommunications Commission (NTC) mahigpit ang utos sa lahat ng telecommunications company sa bansa na tiyakin ang kahandaan sa posibleng naging pinsala ni Maymay.
Sa memorandum ni NTC Commissioner Gamaliel Cordoba, pinatitiyak nito sa mga telco na mayroon silang sapat na bilang ng technical at support personnel, standby generators na may extra fuel, at iba pang kagamitan sa mga naapektuhang lugar.
Kung may naapektuhang serbisyo sa isang lugar, dapat aniyang madaliin ang repair at restoration nito.
Inatasan din nito ang mga telco na maglagay ng ng Libreng Tawag at Libreng Charging Stations sa mga apektadong lugar.
Madelyn Villar – Moratillo