NTC inatasan ang telcos na magtext blast para balaan ang publiko sa personalized text scam at iba pang panloloko
Habang tumatagal ay mas nagiging creative ang mga text scammer, kaya naman ang National Telecommunications Commission ay inatasan ang mga telecommunications company sa bansa na magsagawa ng text blast para balaan ang publiko.
Ilan sa mga ito ay mga text message patungkol sa pekeng trabaho, lucky winner, at iba pang money scams.
At ang pinakabago ay ang personalized na mga text scam kung saan nakalagay mismo ang pangalan ng recipient.
Kaya naman si National telecommunications Commission Commissioner Gamaliel Cordoba, inatasan ang telcos kabilang ang DITO Telecom, Globe at Smart na simula August 31 hanggang September 6 dapat magpadala ng text blast ang mga ito sa kanilang subscribers.
Partikular na nakalagay rito ang mensahe na “Huwag pong maniwala sa text na naglalaman ng inyong pangalan at nang-aalok ng trabaho, pabuya o pera, ito po ay scam”.
Nakasaad pa sa kautusan ni Cordoba ang pag-block sa SIM cards na ginagamit sa mga scam.
Inatasan din ang lahat ng regional directors at mga officer-in-charge ng NTC na palawakin ang information campaign laban sa mga bagong variant ng scam gaya ng pekeng trabaho at iba pa.
May hanggang Setyembre 9, 2022 ang mga ito para makapagsumite ng compliance report sa NTC.
Madelyn Villar- Moratillo