NTC inatasan na ang mga telco na i-block at i-deactivate ang mga URL na ipinadadala sa mga spam messages
Inatasan ng National Telecommunications Commission ang lahat ng telco sa bansa na i-block o i-deactivate ang mga ipinadadalang URL sa mga spam message.
Sa memorandum na pirmado ni NTC Commissioner Gamaliel Cordoba, partikular na tinukoy ang mga in clickable person to person URL.
Kabilang na rito ang mga text message na may kasamang URL, TinyURL, Smart Link o QR Code.
Karaniwan na sa mga spam message na layong makapanloko ay mayroong link na kailangan umanong i-click ng subscriber.
Partikular na inatasan ni Cordoba ang DITO Telecommunity, Smart Communications at Globe Telecom.
Pinagsusumite rin sila ng compliance report hanggang sa Setyembre 16, 2022.
Ayon sa NTC, kung maide-deactivate at mai-block ang mga ito, kahit pa mai-click ang links ay mawawalan ito ng access sa mga mapanlinlang na website.
Madelyn Villar-Moratillo