NTC, iniutos sa Telcos na magbigay babala sa subscribers vs text scam
Dahil mas lalo pang lumala ang mga spam text na ngayon ay personalized na, muling naglabas ng kautusan ang National Telecommunications Commission (NTC) sa mga telecommunication company na magtext blast sa kanilang mga subscriber.
Sa isang memorandum, inatasan ni NTC Commissioner Gamaliel Cordoba ang mga telecommunication company, kabilang ang DITO Telecom, Globe at Smart na balaan ang kanilang subscribers laban sa mga scam text.
Karaniwan sa mga ito ay nag-aalok ng pekeng trabaho, kunwari ay nanalo o nakatanggap ng bonus cash at kailangan lang i-click ang link na kasama sa mensahe.
Sa nasabing kautusan, nakasaad na ang text blast ay mula September 9 hanggang September 15.
Ang ipadadalang mensahe ay: “HUWAG PONG MANIWALA SA TEXT NA NAGLALAMAN NG INYONG PANGALAN AT NANG-AALOK NG TRABAHO, PABUYA O PERA. ITO PO AY ISANG SCAM“.
Inatasan din ni Cordoba ang mga telco na tiyakin ang agarang pag-block sa mga SIM cards na ginagamit sa panloloko.
Samantala, inatasan din ng NTC ang lahat ng Regional Directors at mga Officer-in-Charge ng ahensya na paigtingin ang information driver laban sa mga bagong scam.
Pinagsusumite naman ng NTC ang mga telco ng compliance report hanggang Sept. 19, 2022.
Madelyn Villar-Moratillo