NTC nagbigay ng mungkahi para masolusyunan ang talamak na text scams
Sa gitna ng problema sa talamak na text scams ngayon, iminungkahi ng National Telecommunications Commission ang pag-adapt sa ginawang approach ng International Telecommunications Union sa pagtugon dito.
Gaya ng pagsasagawa ng malawakang public information drive, paggamit ng blocking software/app para masala ang unwanted messages mula sa hindi tukoy na source.
Mahalaga ring magkaroon na ng SIM registration law sa bansa, mahikayat ang publiko na sundin ang payo ng gobyerno ng mga dapat gawin kapag nakatatanggap sila ng unwanted messages at palagiang i-upgrade ang kanilang IOS para makaiwas sa malware at virus attacks.
Sa Senado, sinimulan na ang pagdinig patungkol sa laganap na text scams na dinaluhan ng iba’t ibang concerned agencies at maging mga telco.
Sa pagdinig, sinabi ng National Privacy Commission na katuwang ang National Bureau of Investigation at Philippine National Police na nagsasagawa ng imbestigasyon sa text scams pero wala pa silang nakikitang insidente ng breaching.
Ayon naman sa Department of Information and Technology, lumagda na sila ng memorandum of understanding kasama ang Singaporean ICT Ministry para mapalakas ang digital response ng bansa sa cyber-related issues.
Sa pagdinig, kapwa naman nagpahayag ng suporta ang mga opisyal ng National Bureau of Investigation at Philippine National Police sa SIM registration law para matukoy ang pinagmumulan ng mga text scam.
Makatutulong din umano ito para makasuhan ang mga nasa likod nito.
Madelyn Moratillo