NTC pinaigting ang SIM reg sa mga liblib na lugar
Pinalakas pa ng National Telecommunications Commission (NTC) ang implementasyon ng Mandatory SIM Registration Law sa lahat ng rehiyon sa bansa lalo na sa mga liblib at malalayong lugar.
Ito ay sa pamamagitan ng paglagay ng remote registration sites sa mga rehiyon upang doon magpunta ang mga residente na nahihirapang makapagparehistro ng SIM cards.
Kabilang sa mga lugar kung saan itinayo ang remote registration sites:
- Municipal auditorium, Pasuquin, Ilocos Norte, Region I
- Camalaniugan Sports Complex, Cagayan, Region II
- Calumpit municipal covered court, Bulacan, Region III
- Luancing covered court, Batangas, Region IV-A
- Sta. Rosa 1 covered court, Baco, Oriental Mindoro, Region IV-B
- Barangay Paulba multipurpose covered court, Ligao, Albay, Region V;
- Carles covered gym, Iloilo, Region VI
- Moalboal covered gymnasium, Cebu, Region VII
- Palo municipal gym, Leyte, Region VIII
- Atok basketball court, Benguet, Cordillera Administrative Region
- Barangay Arena Blanco multipurpose covered court, Zamboanga del Sur, Region IX
- Pangantucan municipal gymnasium, Bukidnon, Region X
- Malalag covered court, Davao del Sur, Region XI
- MDDRM office, Arakan municipal hall, Cotabato, Region XII
- Tagbina municipal gym, Surigao del Sur, Region XIII
Sinabi ni NTC Officer-in-Charge Commissioner Ella Blanca Lopez na ito ay para matiyak na magiging matagumpay ang unang priority legislation ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Ilan sa ikonsidera ng NTC sa pagpili ng mga remote area na pinaglagyan ng registration sites ang telecommunications o internet access sa lugar, bilang ng Geographically Isolated and Disadvantaged Area (GIDA) barangays, at bilang ng populasyon.
Nagsagawa rin ng feasibility study ang regional offices ng NTC at kabilang sa tinukoy ang access ng mga liblib na lugar sa regional centers, availability ng land transportation, at ang pakikipagkaisa ng lokal na pamahalaan.
Nakatuwang din ng NTC ang mga telco sa pagtukoy nng remote areas.
Pinasalamatan ni Lopez ang mga LGU at ang mga miyembro ng Inter-Agency Ad Hoc Committee on the Facilitation of SIM Registration in Remote Areas sa pakikipagtulungan.
Ang nasabing komite ay binubo ng Department of Information and Communications Technology, Department of Interior and Local Government, Department of Education, Department of Public Works and Highways, Armed Forces of the Philippines, Philippine National Police, National Privacy Commission at Philippine Information Agency.