NTC: Prepaid SIM users na bigong makapagrehistro noong July 25, may hanggang July 30 para mag-reactivate
May limang araw na grace period o hanggang July 30 ang prepaid SIM card users na hindi nairehistro ang SIM noong July 25 deadline para mag-reactivate.
Ayon sa National Telecommunications Commission (NTC), maaari pang makatanggap ng text messages ang mga ito para ma-receive ang one-time PIN para sa SIM registration.
Sa ilalim ng SIM Card Registration Act, may limang araw o July 26 hanggang July 30 ang users para sa reactivation ng SIM.
Pero hindi na puwede itong makatanggap ng tawag o makatawag at wala na ring internet service.
Kakailanganin ng WiFi network para mareactivate ng nasabing users ang SIM at pumunta sa website ng telecommunication company.
Pagsapit ng July 31 ang lahat ng unregistered SIM cards ay permanente nang madi-deactivate.
Ang mga hindi nairehistrong SIM ay hindi na magagamit sa mobile data services kabilang ang pag-access sa social media.
Sa datos ng NTC hanggang noong July 24, 2023, nasa 105.9 milyong SIM ang nairehistro o katumbas ng 63 percent ng 168 milyong active SIM user sa Pilipinas.
Ayon sa NTC, pasok naman ito sa target na 100 million hanggang 110 million na mairerehistrong SIM.
Sa 105.9 million successful SIM registrations, 50 million ay Smart users, 48.4 million ang Globe users at 7.5 million ang Dito users.
Ang orihinal na deadline ng SIM registration ay April 26, 2023 deadline pero pinalawig ito ng 90-araw.
Madelyn Moratillo