NTF naglaaan ng 30K doses ng COVID vaccines para sa mga PDLs sa BuCor jail facilities
Aabot sa 30,000 doses ng bakuna ang inilaan ng National Task Force Against COVID-19 para sa mga persons deprived of liberty (PDLs) sa mga kulungan ng Bureau of Corrections (BuCor).
Ito ay matapos iendorso ni Vaccine Czar Secretary Carlito Galvez sa National Vaccination Operations Center (NVOC) ang kahilingan ng DOJ na mapabilang ang mga inmates sa Bayanihan Bakunahan ng pamahalaan.
Sinabi ni Justice Secretary Menardo Guevarra ang mga bakuna ay hahatiin at ipamamahagi sa iba’t ibang penal farm at colonies na pinangangasiwaan ng BuCor.
Ang mga ito ay ang New Bilibid Prison, Correctional Institution for Women, Sablayan Prison and Penal Farm, San Ramon Prison and Penal Farm, Iwahig Prison and Penal Farm, Leyte Regional Prison, at Davao Prison and Penal Farm.
Ayon sa kalihim, sa loob ng dalawa hanggang tatlong araw ay idi-deliver ng National Vaccination Operations Center nang direkta sa mga nasabing jail facilities ang mga bakuna.
Kinakailangan na lamang ng mga pasilidad na magkaroon o kumuha ng sariling vaccinators para sa bakunahan.
Inihayag ni Galvez sa tugon nito kay Guevarra na sang-ayon ang NTF sa assessment ng DOJ na vital ang pagbabakuna sa mga PDLs upang maiwasan ang pagkalat ng virus sa mga siksikan na kulungan sa bansa.
Sa pinakahuling datos ng BuCor, nasa 77% na ng PDLs sa BuCor facilities ang nabakunahan ng una at ikalawang dose.
Katumbas ito ng mahigit 37,000 inmates mula sa lagpas 48,000 na prison population.
Moira Encina