Number coding hindi na palalawakin dahil sa mababang bilang ng mga sasakyan
Hindi na kailangang palawakin pa ang number coding batay sa bilang ng mga sasakyan sa EDSA.
Sinabi ni Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) Chairman Romando Artes, na wala pang pangangailangan na maghigpit dahil sa kakaunti pa rin ang mga sasakyan kumpara sa panahon bago magkaroon ng pandemya.
May posibilidad din aniya na ang dahilan ng mababang bilang ng mga sasakyang dumaraan sa EDSA, ay ang mataas na presyo ng krudo.
Sa kabila nito, magpapatuloy ang MMDA sa pagbabantay at pag-aalis ng mga sagabal sa daloy ng trapiko sa EDSA at sa iba pang pangunahing mga lansangan.
Gaya na lamang kahapon sa isinagawang clearing operations sa Panay Avenue, sa Quezon City na bahagi ng Mabuhay Lane route #1, kung saan sa loob lang ng kalahating oras ay umabot na sa 23 tiket ang na-isyu ng MMDA sa mga sasakyang ilegal na nakaparada, habang dalawa naman ang hinila ng tow trucks.
Nagbabala pa si Artes, na regular silang magsasagawa ng clearing operations sa lahat ng Mabuhay Lanes na ginagamit bilang alternatibong ruta para sa EDSA, kaya’t dapat iwasan ang ilegal na pagpaparada ng mga sasakyan.
Aniya, sa atended illegally parked vehicle ay may multang P1,000.00 habang P2,000.00 naman sa unattended Illegally parked vehicle.
Target ng MMDA na sa loob ng tatlong buwan ay maalis na ang mga sagabal sa mga kalye ng Metro Manila.
Ayon kay Artes . . . “We want to ensure that at the end of our term, we will turnover obstruction-free and orderly Metro Manila roads to the next administration.”