Number coding suspendido muna mula Abril 12-15
Inanunsiyo ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA), na sususpendihin muna ang number coding scheme simula Martes hanggang sa Biyernes.
Simula ngayong araw, April 15, hindi muna ipatutupad ng MMDA ang number coding scheme, na nagbabawal sa mga sasakyan na gamitin ang mga pangunahing lansangan sa National Capital Region mula ala-5:00 ng hapon hanggang alas-8:00 ng gabi tuwing weekdays depende sa huling digit ng plaka ng kanilang sasakyan.
Awtomatiko namang suspendido ang number coding scheme sa Huwebes at Biyernes (April 14 at 15), na kapwa regular holidays.
Sinabi ni MMDA Chairman Romando Artes, na layon ng suspensiyon na bigyang pagkakataon ang publiko na mas maagang makabiyahe, at maiwasan ang masikip na daloy ng trapiko sanhi ng pagdagsa ng mga pasaherong magsisiuwi sa kani-kanilang lalawigan dahil sa mahabang araw ng bakasyon.
Aniya . . . “We are suspending the number coding scheme to provide the public unhampered mobility.”
Sinang-ayunan naman ito ni MMDA general manager Frisco San Juan, Jr., Transportation Undersecretary for road sector Mark Steven Pastor at Land Transportation Franchising and Regulatory Board Chairman Martin Delgra III.
Sabi pa ng MMDA, na ang bilang ng mga mananakay sa PITX ay umaabot sa 100,000 bawat araw.
Nagdeploy din ang ahensiya ng 2,861 traffic personnel sa transport terminals, chokepoint areas at ilang simbahan sa kalakhang Maynila.
Sa unang pagkakataon makaraan ang dalawang taon mula nang magsimula ang pandemya, inaasahan ng Department of Transportation (DOTr) na tataas ang bilang ng mga pasahero sa linggong ito.
Maaaring tawagan ng mga motorista ang MMDA Metrobase hotline 136 para sa traffic updates at road assistance.
Samantala, sinabi ng DOTr na suspendido rin ang operasyon ng Metro Rail Transit Line 3 (MRT-3) at Light Rail Transit Line 2 (LRT-2), mula April 13 hanggang 17.
Ang LRT Line 1 at Philippine National Railways (PNR) ay sarado simula Huwebes (April 14) hanggang Linggo (April 17). Magsasagawa ng preventive maintenance works ang ahensiya sa panahon ng mahabang bakasyon.
Muli namang magbubukas ang MRT-3, LRT-1 at LRT-2 sa April 18, habang ang PNR ay bibiyahe nang muli sa Linggo (April 17).