NUPL hiniling sa DOJ na kasuhan ng double murder sa korte ang mga pulis na dawit sa pagpatay ng mga mag-asawang aktibista sa Batangas
Nagsumite ng kanilang memorandum sa DOJ ang National Union of People’s Lawyer (NUPL) kaugnay sa kasong pagpaslang sa mag-asawang Ariel at Ana Mariz Evangelista noong Marso 7, 2021 sa Batangas.
Ang dalawa ay kabilang sa siyam na aktibista mula sa Region IV-A na napaslang sa serye ng raid ng pulisya sa tinaguriang Bloody Sunday Massacre.
Umaabot sa 17 pulis na kabilang sa PNP- CIDG sa CALABARZON ang inireklamo ng NUPL at NBI sa DOJ kaugnay sa insidente.
Sa 16-pahinang memorandum, hiniling ng NUPL na tumatayong abogado ng pamilya ng mga biktima na ideklarang may probable cause para kasuhan ng double murder sa korte ang mga pulis na sangkot.
Iginiit ng NUPL na present ang mga elemento ng murder sa pagpatay sa mag-asawa.
Anila walang kalaban-laban ang mga biktima at sinamantala ng mga respondents na mga pulis na pawang mga armado ang kanilang lakas.
Planado at may sabwatan din anila sa mga respondents.
Ayon pa sa NUPL, maituturing na extra judicial killing ang insidente.
Moira Encina