NUPL, idinulog sa Korte Suprema ang pagkakasama nila sa sinasabing “Oust Duterte’ matrix
Iniakyat sa Korte Suprema ng National Union of Peoples’ Lawyer o NUPL ang pagkakasama nila sa ‘Oust-Duterte’ matrix na inilabas ng isang pahayagan.
Sa kanilang inihaing manifestation, hiniling ng NUPL na ikonsidera ng Supreme Court sa kanilang hirit na Temporary Protection Order o TPO ang pagkakasama nila sa pangalan ng mga organisasyon, abogado at media na sangkot para siraan at patalsikin si Pangulong Duterte sa pwesto.
Sa nasabing matrix na inilathatla ng isang national broadsheet, tinukoy ang NUPL na isa sa mga dawit sa pagpapakalat ng online videos ng isang nagngangalang Bikoy na naghayag ng umano’y pagkakasangkot ng pamilya Duterte sa kalakalan ng iligal na droga.
Binanggit pa ng mga petitioner ang artikulo na isinulat ng kolumnistang si Rigoberto Tiglao na nag-uugnay sa NUPL sa CPP-NPA.
Ayon sa NUPL, malisyoso, reckless at walang basehan ang mga alegasyon sa kanila kaya muli nilang hinihiling sa Supreme Court na paboran ang kanilang hirit na TPO laban sa mga respondents.
Una nang naghain ang NUPL sa Korte Suprema ng Writ of Amparo, Writ of Habeas Data at Temporary Protection Order para itigil na ang pagbabanta sa kanila at para maprotektahan sila laban sa mga respondents na si Pangulong Duterte at mga matataas na opisyal ng militar.
Ulat ni Moira Encina