NUPL nanawagan sa mga awtoridad na imbestigahan ang tangkang pagpatay sa isa sa kanilang opisyal na abogado rin sa isang petisyon kontra Anti- Terror law
Kinondena ng National Union of Peoples’ Lawyers (NUPL) ang tangkang pagpatay sa kanilang assistant vice president for Visayas na si Atty. Angelo Karlo Guillen noong Miyerkules ng gabi sa Iloilo City.
Sa inisyal na report, sinaksak sa ulo at balikat ang abogado ng dalawang hindi pa nakikilang lalaki.
Si Guillen ay tumatayong abogado sa isang petisyon kontra Anti-Terrorism law.
Abogado rin ito ng ilang aktibista na inaresto sa raid ng pulisya sa Bacolod noong 2019 at ng mga Tumandok na inaresto sa Panay noong nakaraang taon.
Sa isang statement, nanawagan si NUPL Vice-President for Visayas Rene Estocapio sa mga otoridad na imbestigahan ang pagtatangka sa buhay ni Guillen.
Sa datos anya ng NUPL, umaabot sa hindi bababa sa 54 na abogado at hukom ang pinaslang sa bansa mula 2016.
Una na ring inilapit anya ng NUPL, IBP at iba pang grupo sa Korte Suprema at iba pang ahensya ng gobyerno ang nakaaalarmang insidente ng pag-atake sa mga abogado sa bansa.
Moira Encina