NWRB, patuloy ang panawagang magtipid sa tubig hanggang sa bumalik na sa normal ang water level sa Angat dam
Sa kabila ng opisyal na deklarasyon ng Pag-Asa DOST na simula na ang panahon ng tag-ulan ay patuloy pa rin ang pagbaba ng lebel ng tubig sa Angat dam.
At kung may mga pag-ulan man ay hindi ito direktang napupunta sa water shed o reservoir ng dam at hindi rin ito sapat para madagdagan ang tubig sa dam.
Ayon kay National Water Resources Board (NWRB) Exec. Director Sevillo David, ito ang dahilan kung bakit kailangang magbawas ng alokasyon ng tubig para sa domestic use sa Metro Manila upang maiwasang umabot sa pinangangambahang 150 meters critical level ang Angat.
Sa ngayon aniya ay umaabot sa 36 cubic meters per second ang ibinubuga ng Angat para sa domestic use pero kung magtutuluy-tuloy ang walang pag-ulan ay mababawasan pa ang alokasyong ito na ibinibigay para sa mga residente.
“Ang pakiusap natin ay limitan ang gagamiting tubig na nanggagaling sa Angat at ipunin ang mga tubig o i-recycle para magamit pa sa ibang pangangailangan”.