NYC Chair Ronald Cardema binalewala ang mga kaso laban sa kanya ni Guanzon
Hindi natatakot si Duterte Youth Party List Chair at National Youth Commission Chair Ronald Cardema sa mga reklamong isinampa laban sa kanya ni dating Comelec Commissioner Rowena Guanzon.
Si Cardema ay ipinagharap ng mga reklamong libel at unjust vexation ni Guanzon sa piskalya sa Quezon City.
Ayon kay Cardema, kaya niyang sagutin ang reklamong libelo na inihain laban sa kanya ni Guanzon.
Nanindigan si Cardema na nagsasabi lang siya ng katotohanan at walang libelous dito.
Sinabi ni Cardema na mas matindi ang kasong kahaharapin ni Guanzon na katiwalian dahil sa iligal na substitution nito bilang kinatawan ng P3WD Party List.
Malinaw aniya na lumabag si Guanzon sa ilalim ng Anti- Graft and Corrupt Practices Act dahil nakinabang ito sa kanyang dating puwesto sa poll body lalo na’t ilang buwan pa lang ito nang magretiro bilang commissioner.
Una nang naghain ng petisyon si Cardema sa Korte Suprema upang hilingin na pigilan ang proklamasyon at pag-upo ni Guanzon bilang kinatawan ng P3WD Party List.
Moira Encina