OCD, patuloy ang pakikipag-ugnayan sa mga LGU kasunod ng magnitude 6.1 na lindol sa Calatagan, Batangas
Wala naiulat na pinsala kasunod ng magnitude 6.1 na lindol na yumanig sa Calatagan, Batangas kaninang umaga.
Ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS), naitala ang pagyanig alas-5:50 ng umaga at ang epicenter ay nasa 18 kilometers sa baybayin ng Calatagan.
May lalim ito na 122 km at tectonic ang pinagmulan.
Naramdaman din sa mga kalapit na lalawigan at ilang bahagi ng Metro Manila ang pagyanig:
- Intensity IV: Calatagan, Batangas
- Intensity III: Quezon City; Pasay City; Pasig City; Tagaytay City; Mendez, Amadeo and Alfonso, Cavite; Obando, Bulacan
- Intensity II: Abucay, Bataan; Gapan City, Nueva Ecija; Castillejos, Zambales; Mandaluyong City; Manila City; Makati City; Tanay, Rizal
Paliwanag ni PHIVOLCS Officer-in-Charge at Science Undersecretary Renato Solidum Jr., na hindi gaanong kalakasan ang naramdamang lindol dahil malalim ito bagaman inaasahan na nila ang ilang pinsala at aftershocks.
Samantala, sinabi naman ni Ishmael Narag, officer-in-charge of the Earthquake and Tsunami Monitoring division ng PHIVOLCS na walang inasahang tsunami matapos ang pagyanig.
Maaaring ang naging sanhi aniya ng lindol ay ang Eurasian Plate na bumubunggo sa Pilipinas at bumubulusok pailalim sa Manila Trench.
Ayon naman sa Office of Civil Defense Region 4B information office na wala pa silang natatanggap na ulat ng pinsala o casualties kasunod ng lindol.
Sabi ni OCD Region 4B information officer Georgina Opinion, nakikipag-ugnayan na sila sa mga lokal na pamahalaan upang matukoy kung may mga pinsalang natamo mula sa pagyanig.