OEC para sa overseas employment, madali nang malaman kung peke
Mas madali na ngayon para sa Bureau of Immigration (BI) na matukoy ang mga pekeng Overseas Employment Certificate (OEC) na ginagamit ng ilang nagtatangkang makalabas ng bansa para magtrabaho abroad.
Ang OEC ay isa sa basic requirement sa mga paalis na Overseas Filipino Worker (OFW).
Ayon kay Immigration Commissioner Norman Tansingco, integrated na ang kanilang sistema sa Department of Migrant Workers (DMW) kaya mas madali na para sa kanilang tukuyin ang mga pekeng OEC.
Pagsunod rin aniya ito sa direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na tiyakin ang seamless na pagproseso sa mga paalis na OFW at maprotektahan sila laban sa posibleng pang-aabuso.
Ayon kay Tansingco, nauuso na naman kasi ngayon ang paggamit ng OEC ng mga illegal recruiter.
Inihalimbawa nya ang isang 50 anyos na babae na ni-recruit para magtrabaho bilang household service worker sa Hong Kong.
Tinangka niyang umalis ng bansa gamit ang pekeng OEC pero nahuli siya ng mga tauhan ng BI sa Clark International Airport.
Depensa ng biktima hindi umano niya alam na peke ang kanyang certificate.
Naiturn over na siya sa Inter-Agency Council Against Trafficking para sa karagdagang imbestigasyon at matukoy ang supplier ng pekeng dokumento.
Madz Villar Moratillo