Office of Cybercrime at NBI iniimbestigahan na ang sinasabing planong pagpatay kay BBM
Kinumpirma ni Justice Secretary Menardo Guevarra na iniimbestigahan na ng Office of Cybercrime ng DOJ ang sinasabing planong pagpaslang kay presidential aspirant Bongbong Marcos.
Ayon kay Guevarra, ang Office of Cybercrime (OOC) ang nakatanggap ng online tip ukol sa sinasabing pagbabanta sa buhay ni Marcos.
Agad aniyang umaksyon ang OOC dahil sa serious nature ng impormasyon na natanggap nito.
Sinabi pa ng kalihim na maging ang NBI ay sumali na rin sa imbestigasyon.
Aniya bibigyang prayoridad ng NBI ang alinmang validated na impormasyon lalo na kung ito ay banta sa personal na seguridad ng sinumang presidential aspirant.
Inihayag ni Guevarra na wala naman silang natatanggap na kaparehong impormasyon ukol sa banta sa buhay sa iba pang kumakandidato sa matataas na posisyon sa pamahalaan.
Una nang ibinunyag ng kampo ni Marcos ang sinasabing ‘kill plot’ na naka-post at kumakalat sa TikTok na nadiskubre ng OOC.
Nagsagawa na ang OOC ng inisyal na open source probe sa nasabing TikTok account na may mensahe ng planong pagpatay kay BBM.
Hiniling na rin ng OOC sa Law Enforcement Outreach Trust and Safety ng TikTok na i-preserba ang data kaugnay sa subject account.
Moira Encina