Office of the Government Corporate Counsel (OGCC) hinarang ang tangkang aregluhan sa kontrobersyal na NHA Project sa Tondo
Isiniwalat ng Office of the Government Corporate Counsel ang pagtatangka ng kontraktor ng Smokey Mountain project sa Tondo na gatasan ang gobyerno ng higit 1.12 billion pesos.
Agad na kumilos ang Office of the Government Corporate Counsel (OGCC) upang harangin ang aregluhan sa pagitan ng National Housing Authority (NHA) at RII (R-2) Builders kaugnay ng reklamasyon at development ng slum area sa Tondo.
Una nang sumulat si Chief Government Corporate Counsel Elpidio Vega kay NHA General Manager Marcelino Escalada para ipaalam ang pagkakaiba ng rekord ng mga naturang ahensiya at ang kaduda-dudang hinihingi ng RII Builders para sa settlement.
Nagtataka ang NHA kung bakit handa pa ang pamahalaan na magbayad ng karagdagang halaga at property sa RII Builders gayong sumobra pa nga ng 300 milyong piso ang naibayad ng kompensasyon.
Ang OGCC ang kumakatawan sa NHA sa mga kaso sa Court of Appeals.
Ang mediation ay iniutos ng Court of Appeals sa hangad na maidaan sa amicable settlement ang isyu sa pagitan ng OGCC at RII Builders na nag-ugat sa kontrobersyal na housing project sa Smokey Mountain.
Ulat ni Moira Encina