Office of the President , Hinamon ng oposisyon sa Senado na ibalik ang Confidential at Intelligence Funds
Hinikayat naman ng oposisyon sa Senado si Pangulong Bongbong Marcos na isuko ang Intelligence Funds ng kaniyang tanggapan.
Giit nila, wala sa mandato ng tanggapan ng Pangulo na magsagawa ng Intelligence work.
Hinamon ni Senate Minority Leader Aquilino Koko Pimentel si Pangulong Bongbong Marcos na isuko na rin ang mahigit P 2.3 billion na intelligence fund ng kaniyang tanggapan.
Kasunod ito ng desisyon ni Vice President Sara Duterte na isauli na at i-divert sa security agencies ng Gobyerno ang kaniyang confidential at intelligence funds.
Iginiit ni Pimentel na malinaw naman sa rules na hindi entitled ang Office of the President sa anumang intelligence funds na dapat ay sa security forces lang ng Gobyerno.
Wala naman aniya sa mandato ng tanggapan ng Pangulo na magsagawa ng intelligence work.
Tatangkain naman ng oposisyon na harangin ang intelligence funds hanggang sa period of amendments ng budget.
Sa ngayon, aminado si Pimentel na wala pang katiyakan na mabubura na sa pambansang budget sa susunod na taon ang P 650 million na pondo para sa confidential at intelligence funds na una nang isinuko ng Bise President.
Maari pa aniya itong maibalik sa orihinal na panukala sakaling may maghain ng apila at pagbotohan ito ng mga mambabatas.
Pero para kay Pimentel aksaya na lang ng oras kung sakaling ipabalik pa ng mga mambabatas ang confidential funds ng OVP at DepEd.
May public pronouncement naman na kasi si VP Sara na ayaw na ito ng kaniyang mga ahensiya.
Meanne Corvera