Office of the Solicitor General pinagkukomento ng Korte Suprema sa apela ng pinatalsik na si dating Chief Justice Sereno laban sa quo warranto ruling
Inatasan ng Korte Suprema ang Office of the Solicitor General na maghain ng komento sa apela ng napatalsik na si dating Chief Justice Maria Lourdes Sereno na baligtarin ang pagpabor sa quo warranto case laban dito.
Binigyan ng limang araw ng Supreme Court ang OSG para magsumite ng komento sa motion for reconsideration.
Wala sa en banc session ng Korte Suprema si Associate Justice Noel Tijam na ponente ng quo warranto ruling na nagdideklarang diskwalipikado si Sereno na patuloy na maupo bilang Punong Mahistrado dahil sa isyu ng integridad.
Posibleng pagbotohan ng Korte Suprema ang motion for reconsideration ni Sereno sa June 19.
Alinsunod sa Section 7, Rule 56 ng Rules of Court, kailangan ni Sereno ng dalawang boto para mabaligtad ang unang desisyon ng Korte Suprema na 8-6 ang botohan.
Kapag kasi naging tie-vote ang botohan sa mga iniapelang kaso, mananaig ang naunang ruling ng korte na nagtanggal kay Sereno sa pwesto.
Ulat ni Moira Encina