Office of the Solicitor General, tinutulan ang nais ng IBP, Makabayan Bloc at iba pang grupo na maging intervenor sa Quo Warranto case laban kay Chief Justice on-leave Sereno
Kinontra ng Office of the Solicitor General o OSG ang mosyon ng Makabayan Bloc, Integrated Bar of the Philippines o IBP at grupo ni Dating PAG-IBIG Fund Chief Executive Officer Mel Alonzo na maging intervenor sa Quo Warranto petition laban kay Chief Justice on-leave Maria Lourdes Sereno.
Sa consolidated opposition na inihain ng OSG sa Korte Suprema, hiniling ni Solicitor General Jose Calida na ibasura ang hiling na intervention ng tatlong grupo.
Ayon kay Calida, walang legal interest ang mga nasabing partido sa kaso at layon lamang ng mga ito na maantala ang pag-usad ng Quo Warranto petition.
Paliwanag pa ng OSG, ang interes ng isang partido ay dapat na personal at hindi lamang nakabase sa kagustuhan.
Hindi rin anila napagkaitan ang Makabayan bloc ng kanilang prerogative bilang mga mambabatas sa hiwalay na impeachment proceedings laban kay Sereno sa Kamara.
Sinabi pa ng OSG na dati ng nagpasya sa kaparehong kaso ang Korte Suprema na ang IBP ay walang legal na interes para maghain ng Quo warranto petition.
Sa grupo naman ni Alonzo, binanggit ng OSG na hindi sapat na batayan ng legal standing ang pagiging makabayan ng nasabing partido para maging intervenor sa kaso.
Ulat ni Moira Encina