Office of the Solicitor General, ipinapabasura sa Korte Suprema ang mga petisyon laban sa 1-year extension ng batas militar sa Mindanao
Nais ng Office of the Solicitor General na ibasura ng Korte Suprema ang mga petisyon na kumukwestiyon sa constitutionality ng isang taong extension ng batas militar sa Mindanao.
Sa animnaput-tatlong pahinang consolidated comment, sinabi ni Solicitor General Jose Calida na dapat mabasura ang apat na petisyon dahil sa kawalan ng merito.
Aniya, magkaiba ang orihinal na proklamasyon sa martial law kaysa sa pagpapalawig nito.
Paliwanag ni Calida, ang deklarasyon ng martial law ay hakbang ng pangulo habang ang pagpapalawig nito ay desisyon naman ng dalawang kapulungan ng Kongreso.
Ipinunto ng OSG na ang liberasyon ng marawi mula sa mga umatakeng Maute-ISIS Group ay hindi hudyat ng pagtatapos ng rebelyon sa Mindanao dahil ang nasabing lungsod ay hindi naman ang kabuuan ng Mindanao.
Aalamin ng Korte Suprema sa idaraos na oral arguments kung sasapat ang mga pinagbatayang impormasyon at insidente para sa pagpapalawig ng batas militar sa Mindanao.
Ulat ni Moira Encina
=== end ===