Office of the Solicitor General at mga petitioners sa kaso ng Martial Law extension, naghain na ng memorandum sa Korte Suprema
Naghain na ng kani-kanilang memorandum sa Korte Surpema ang Office of the Solicitor-General o OSG at ang mga petitioners sa kaso ng isang taong pagpapalawig ng Batas Militar sa Mindanao.
Sa memorandum ng OSG, hiniling ni Solicitor-General Jose Calida na ibasura ng Korte Suprema ang mga petisyon na kumukwestyon sa Martial Law extension.
Giit ni Calida, kailangan para sa kaligtasan ng publiko ang pagpapalawig ng batas militar sa rehiyon.
Ayon pa sa OSG, wala namang pormal na reklamo na inihain sa AFP Human Rights Office laban sa mga sundalo sa panahon ng pagpapatupad ng martial law sa Mindanao.
Sa hiwalay na memorandum ng grupo ni Eufemia Cullamat, isinumite nila ang mga sinasabing biktima ng paglabag sa karapatang pantao sa Mindanao sa panahon ng pag-iral ng Batas Militar sa nakalap na ulat ng grupong Karapatan.
Karamihan anila sa mga biktima ay hindi residente ng Marawi kundi mga myembro ng mga people’s organization na sa kanilang hinala ay ang tunay na pakay ng martial law extension.
Ulat ni Moira Encina
=== end ===