Official records ng Pharmally, ipinasusumite ng isang Senador
Ipinasusumite na ni Senador Panfilo Lacson sa Pharmally ang lahat ng official records kung saan nakasaad ang mga kontrata para sa medical supplies na nakuha nila sa gobyerno.
Nais makatiyak ni Lacson kung tutugma ito sa mga hawak na dokumento ng Procurement Service ng Department of Budget and Management (DBM) at Government Procurement Policy Board.
Batay sa datos ng GPPB, ang Pharmally ay nakakuha ng pitong kontrata na nagkakahalaga ng mahigit 8.6 billion noon lamang 2020.
Sa pamamagitan ng mga dokumentong ito, mapapatunayan ang hinalang ghost delivery lamang ang nangyari sa mga biniling medical supplies ng gobyerno.
Iginiit naman ni Senador Risa Hontiveros sa Commission on Audit na magsagawa ng special audit sa lahat ng pondong ginamit sa pantugon sa Covid-19.
Ayon sa Senador, malinaw na may nangyaring korapsyon sa pagbili ng mga medical supplies kung pagbabatayan ang mga shortcut na dinaanan ng Pharmally.
Kabilang na rito ang pirmadong inspection report kahit wala pa ang produkto sa Pilipinas, walang order pero may resibo at tila under the table lamang ang nangyaring mga negosasyon.
Dismayado ang mga Senador dahil malinaw na pinaspasan ang mga kontrata sa Pharmally pero pinahihirapan ang mga medical frontliner sa pagkuha ng kanilang mga special risk allowance.