OFWs na nagpositibo sa COVID-19 sa Hong Kong, umabot na sa 60
Umabot na sa 60 Overseas Filipino Workers sa Hong Kong ang nagpositibo sa Covid-19.
Sa report ng Philippine Labor Office sa Hong Kong, ang 49 rito ay asymptomatic at nananatili sa community isolation, 9 naman ang symptomatic at naka-admit sa ospital habang ang 2 naman ay nakarekober na.
Kaugnay nito, tiniyak ng POLO ang assistance sa lahat ng Pinoy sa Hong Kong lalo na sa mga tinatamaan ng virus.
Binibisita rin umano nila ang mga ito sa quarantine facilities at dinadalhan ng pagkain, gamot at power bank para sa kanilang gadgets.
Sa pamamagitan ng After Care Financial Assistance Program, ang POLO sa pamamagitan ng Overseas Workers Welfare Administration ay nagkakaloob ng 200 US Dollars sa mga kwalipikadong OFW at karagdagan pang 200 US Dollars para sa mga OFW na may concerns sa quarantine facilities.
Tumutulong rin umano ang POLO sa transportasyon ng mga OFW na tinamaan ng virus para maihatid sila sa mga quarantine o isolation facilities o sa ospital kasunod ng kakulangan sa mga ambulansya ngayon sa Hong Kong.
Madz Moratillo